MANILA, Philippines - Haharangin ng mga mambabatas ang pagpapalabas sa mga sinehan o pampublikong lugar ng pelikulang ‘Innocence of Muslims’ na nagdulot ng kaguluhan sa mga bansa sa gitnang silangan.
Ayon kay Sulu Rep. Tupay Loong, ipapa-ban niya dito sa Pilipinas ang nasabing pelikula upang maiwasang sumiklab din ang galit ng mga Muslim sa bansa.
Paliwanag ni Loong, chairman ng House Committee on Muslim Affairs, karamihan ng mga Muslim sa bansa ay mahinahon subalit hindi maiisantabi na mayroon din mga radikal at fundamentalists kaya’t hindi umano dapat balewalain ng Malakanyang na lumaganap ang karahasang dulot ng nasabing pelikula na nang-iinsulto umano kay Prophet Muhammad.
Sinabi ni Loong, malaki rin ang posibilidad na may maglunsad ng karahasan kapag ipinalabas sa bansa ang nasabing pelikula makaraang mag-utos na ang Al Qaeda na umatake sa mga embahada ng Estados Unidos at sa iba’t ibang panig ng mundo.
Iginiit pa ng kongresista, na dito sa Pilipinas ay may koneksyon sa Al Qaeda ang Abu Sayyaf group na puwedeng magpatupad ng utos ng teroristang grupo.