Senado ibo-boykot ni Miriam
MANILA, Philippines - Upang ipakita ang matinding pagkadismaya sa mga kasamahang senador na nag-snub sa hearing ng kanyang komite kay dating Department of Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno, hindi dadalo si Senator Miriam Defensor-Santiago sa sesyon ng Senado ngayong buong linggo.
Ayon kay Santiago, kung inisnab ng mga senador ang kanyang hearing noong nakaraang Biyernes ay iisnabin rin nito ang sesyon.
“Tit for tat. If they snub my hearing, I will snub their session,” ani Santiago.
Pero nagbanta si Santiago na kung isasalang ngayong darating na Miyerkules sa makapangyarihang Committee on Appointments (CA) si Secretary Mar Roxas bilang bagong kalihim ng DILG, dadalo siya sa pagdinig upang i-veto ang kumpirmasyon nito.
Kabilang si Roxas sa pinadalhan ni Santiago ng imbitasyon pero katulad ng ibang miyembro ng gabinete, hindi rin ito dumalo sa pagdinig.
“If a cabinet member who snubs my hearing is presented for confirmation this Wednesday, I will attend the confirmation hearing to cast a veto, to fulfill my promise that I shall veto all cabinet members who were invited, but snubbed me,” sabi ni Santiago.
Idinagdag pa ng senadora na maliwanag naman na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng gabinete ng Pangulong Aquino at ilang senador dahil ang excuse letter na ipinadala ni Executive Secretary Paquito Ochoa ay ang ginamit na kaparehong katuwiran ng mga senador na kumukuwestiyon sa legalidad ng ginawang paggigisa kay Puno.
Matatandaan na ilang senador ang kumuwestiyon kay Santiago dahil nagpatuloy ito sa hearing sa kabila ng kawalan ng privilege speech o resolusyon tungkol sa gusto niyang paimbestigahang isyu.
Pabiro ring sinabi ni Santiago sa kanyang statement na hindi siya dadalo sa sesyon ngayong linggo upang maiwasan ang pagtaas ng kanyang blood pressure base na rin sa payo ng actress na si Heart Evangelista at anak na si Archie Santiago.
- Latest
- Trending