7.7-M kaban ng bigas reserba sa El Niño
MANILA, Philippines - Mahigit 77,000 ektarya ng lupang sakahan sa buong bansa na inaasahang makakapag-produce ng may 7.7 milyong kaban ng bigas sa “third-cropping” program ng gobyerno ang maaring gamiting reserba para hindi kapusin ng suplay sa bigas, sakaling lumala ang El Niño phenomenon.
Ito ang inihayag kahapon ni Agriculture Secretary Proceso Alcala kasabay ng pagsasabing bahagi pa rin ito ng programa ng pamahalaan sa paparating na tagtuyot na inaasahang papasok sa bansa ngayong Disyembre.
“Gusto naming masiguro sa magsasaka na ang El Niño phenomenon ay inaasahang hindi makakaapekto sa ating target na rice sufficiency sa susunod na taon, o maaring mas maaga pa sa inaasahan,” ani Alcala.
Ayon naman kay National Irrigation Administration Administrator Antonio Nangel (NIA), wala silang nakikitang problema sa pagpasok ng buwan ng tagtuyot dahil magiging sapat ang suplay ng tubig dahil puspusan ang pagsasaayos nila sa mga water dams at irigasyon sa bansa.
Sabi ni Nangel na posibleng maging biyaya sa mga magsasaka ang tagtuyot, dahil mas gusto nilang mag-ani ng palay ng hindi umuulan para hindi mabulok at masira ang kanilang tanim.
Kamakailan din ay naglaan ang DA, NIA at Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ng halos P100 milyon halaga ng insurance at seed subsidy para sa mga magsasaka na nakatakdang magtanim alinsunod sa third-cropping program ng pamahalaan.
Ang third-cropping ay isinasagawa mula Agosto hanggang Setyembre kaya inaasahang sa Disyembre ay pwede ng maani ang mga ito.
- Latest
- Trending