Reyes bros. tugis na sa Thailand!
MANILA, Philippines - Pinaghahanap na ng Thailand authorities ang magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at Coron, Palawan Mayor Mario Reyes na wanted sa pagpatay sa brodkaster at environmentalist na si Gerry Ortega matapos na kumpirmahin ng Bureau of Immigration (BI) na sa nasabing bansa sila nagtatago sa ngayon.
Ayon sa ulat, sinimulan nang tugisin ng mga awtoridad sa Thailand ang magkapatid na Reyes bagaman wala pang pormal na kahilingan ang Embahada ng Pilipinas.
Ayon sa BI noong Miyerkules, dumating sa Thailand ang dating gobernador gamit ang pasaporte na may pangalan na Joseph Lim Pe at naispatan sa southwestern Thailand.
Ang magkapatid na Reyes na may warrant of arrest at nagtataglay ng kanilang Filipino name ay una nang kinansela ang mga pasaporte ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang hindi makalabas ng bansa.
Gayunman, gumamit ng pekeng passport na may ibang pangalan at kasabwat diumano ang mga tiwaling BI agents kaya nakalabas ang mga ito sa bansa noong Marso, 2012 bago ang pagpapalabas ng korte ng warrant of arrest hinggil sa kasong pagpatay kay Ortega noong Enero 2011.
Unang iniulat na pumuslit ang magkapatid na Reyes patungong Vietnam gamit ang mga pekeng passport na may ibang pangalan.
Kaugnay nito, handa naman ang DFA na muling kanselahin ang mga pekeng pasaporte na sinasabing ginamit ng magkapatid na Reyes patungong Thailand.
- Latest
- Trending