Modernong fighter aircraft kailangan sa Malampaya -- AFP
MANILA, Philippines - Isang modernong fighter aircraft na may kakayahang makapag-detect ng airbone intruders at missile boats ang kailangan para ma-secure ang yaman ng Malampaya na nakahimpil 80 kilometro sa baybayin ng Palawan. Ayon sa mataas na opisyal ng militar na ayaw magpabanggit ng pangalan, ang kakulangan umano ng maayos na “military assets” sa nasabing lugar ang dahilan para madaling mapasok ito ng mga dayuhan at angkinin.
Ang Malampaya gas field ay tinatayang may 2.7 trillion cubic feet ng natural na gas at 85 milyong barrel ng condensate, na nasa 3,000 metro sa ilalim nito.
Hinalimbawa ng opisyal ang kaso ng Chinese Jianghu class na may missile frigate na dumaan sa bisinidad ng Hasa-hasa shoal, na may 111 kilometro sa kanluran ng Palawan nitong nakaraang linggo.
Kung mayroon ang militar ng makabagong kagamitang nabanggit ay madaling matutukoy nila ito at mapaghahandaan ang anumang gagawin sa sinumang nagnanais na pumasok sa ating teritoryo.
Sinasabing ang assets ng military sa Palawan ay kinapapalooban ng walo hanggang 10 maliliit na patrol craft, wala dito ang missile air, at apat hanggang anim na turboprop aircraft.
Sa ganitong sitwasyon, umaasa ang opisyal na pabibilisin ng pamahalaan ang pagkuha ng dalawang Italian “Maestrale” missile firing frigates at 12 South Korean TA-50 fighter aircraft.
- Latest
- Trending