534 katao binabantayan sa 'meningo'

MANILA, Philippines - Umaabot sa 534 katao ang binigyan ng medikasyon at patuloy na minomonitor sa hinihinalang kaso ng sakit na meningococcemia sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, ito’y matapos na magkaroon ng kontak noong Set­yembre 5 sa 63-anyos na lolang dinapuan ng meningococcemia ang nasabing bilang ng mga residente sa lugar.

Ang biktimang si Gloria Sumayang ng Brgy. Lumangbayan, Abra de Ilog ay una nang napaulat na nasawi sa nasabing karamdaman.

Sa ulat ng NDRRMC, namahagi na ang mga health officials ng mga gamot tulad ng Rifampicin, Ciprofloxacin at Ciprobay bilang panlaban sa nakamamatay na meningococcemia.

Naglilibot rin ang mga health officials sa nasabing barangay upang imonitor kung may sintomas na ng karamdaman ang mga residente sa komunidad kung saan nasawi ang nasabing matanda.

Kinunan na rin ng health teams ng blood serum ang mga residente sa naturang komunidad na nagkaroon ng kontak sa namatay na matanda.

Ang nasabing nakamamatay na sakit ay isang uri ng Neisseria meningitidis bacteria na mabilis makahawa lalo na sa mga kapamilya ng taong nagtataglay nito na naipapasa sa pamamagitan ng pag-ubo at pag-hatsing.

Show comments