RH Bill sa Enero na pagbobotohan
MANILA, Philippines - Dahil umano sa ginagawang pag-antala ng mga senador na tumututol sa kontrobersiyal na Reproductive Health Bill, sinabi kahapon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na posibleng sa Enero 2013 pa mapagbotohan ang panukalang batas.
Pero nilinaw ni Miriam na magkakaroon lamang ng botohan kung magagalit na ang publiko sa mga senador na nagpapahaba sa period of interpellation.
Kapwa tutol sa panukala sina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto.
Ipinaliwanag ni Santiago na nakatakda ng mag-break ang Kongreso sa susunod na linggo at sa pagbabalik ng mga senador ay magiging prayoridad na ang pagpasa ng 2013 national budget.
Ang nangyayari umano sa ngayon ay lalong humahaba ang debatihan dahil ang mga tumututol sa panukala ang kapwa nagsasagawa ng interpelasyon.
“Pinapatagal nila ang period of interpellation in the guise of interpellating each other. They are on the same group, but they are questioning each other so the nature of the process is very clearly dilatory,” sabi ni Santiago.
Naniniwala si Santiago na matatapos lamang ang napakahabang pagtalakay sa RH bill kung magpapakita na ng galit ang publiko na sumasang-ayon na dapat ipasa ang panukala.
- Latest
- Trending