Cybercrimes batas na!
Babala sa mga gumagawa ng krimen sa internet!
MANILA, Philippines - Nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang Cybercrimes Prevention Act of 2012 kung saan paparusahan ang sinumang mahuhuling gumagawa ng krimen sa internet katulad ng paninira ng reputasyon, cybersex, child pornography, identity theft at iba pa.
Inihayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ang ginawang paglagda ng Pangulo sa nasabing batas na naglalayong maparusahan ang mga gumagawa ng krimen gamit ang internet.
“Diyan ‘yung illegal access, illegal interception, data interference, system interference, misuse of devices---kasama din dito. Tapos computer-related offenses, computer-related forgery, computer-related fraud, computer-related identity theft---ito ‘yung laganap ngayon dahil merong mga transaksyon na nangyayari sa internet. So computer-related identity theft, content-related offenses---ito na ‘yon---cybersex, child pornography, unsolicited commercial communications. Naku, maraming naiinis doon sa unsolicited commercial communications. Cyber Squatting, ito po ‘yung acquisition ng domain name in bad faith to profit, mislead, destroy the reputation and deprive others from registering the same,” pahayag ni Valte.
Ayon pa kay Valte, napakaraming insidente na ang isang tao ay sinisiraan sa pamamagitan ng internet.
Hinati ng gobyerno sa dalawa ang cyber crimes sa Pilipinas at ito ay ang internet crimes at ang commercial crimes.
Noong nakaraang taon nagpalabas ng isang legal advisory ang gobyerno kaugnay sa mga krimen na nagaganap gamit ang internet upang mabigyang babala ang publiko.
Sa ngayon ang mga batas na nagpaparusa sa mga internet crimes ay ang mga sumusunod: Republic Act (RA) 9995 (Anti-Photo and Voyeurism Act of 2009); RA 9775 (Anti-Child Pornography Act of 2009); at RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003).
- Latest
- Trending