MANILA, Philippines - Hinikayat ng isang mambabatas ang Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) na higpitan ang pagpapalabas ng anumang dokumentaryo o pelikula na may kinalaman sa relihiyon na posibleng pagsimulan ng gulo tulad ng nangyari sa Libya.
Ayon kay Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento, dapat na gumawa ng hakbang ang gobyerno ng Pilipinas upang ilayo ang bansa sa katulad na kaguluhan na nangyari sa Libya kung saan napatay si US envoy Christopher Steven sa isang rocket attack.
Nag-ugat ang gulo matapos umanong ipalabas ang pelikula na gawa ng Estados Unidos na nang-iinsulto umano kay Prophet Mohammad kayat nag-riot ang mga militante.
Giit ni Sarmiento dapat na iwasan ang ganitong gulo kung saan ang pinagsisimulan ay religious belief.
Dapat umanong bantayang mabuti ng MTRCB ang anumang dokumentaryo at pelikula na maaaring ipalabas upang hindi ito pagmulan ng anumang gulo.