MANILA, Philippines - Ipinapaaresto ng Sandiganbayan first division si dating MWSS administrator Orlando Hondrade kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pondo ng ahensiya noong 2004.
Ito ay makaraang magpalabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban kay Hondrade kasabay ng pagpapalabas ng korte ng hold departure order para mapigilan ang dating opisyal na makalabas ng bansa.
Ang kaso ay nag-ugat nang madiskubreng ang laang P20 milyong emergency fund ng MWSS ay ginamit ni Hondrade sa pagrenta ng chopper mula sa Asia Aircraft Overseas Philippines Inc. sa ‘di malamang dahilan.
Sinasabing ang naturang pondo ay laan sa pagpapagawa ng emergency bridge at paglilinis ng Umiray-Angat Transbasin Project na nasira ng bagyong Winnie at Yoyong noong December 2004.