Sin tax may 'domino effect'
MANILA, Philippines - Pinaghihinay-hinay ni Sen. Gregorio Honasan ang gobyerno sa pagsusulong na itaas ang excise tax sa mga sin products o alak at sigarilyo dahil maaapektuhan din aniya nito ang ibang industriya.
Naniniwala si Honasan na dapat maging “moderate” lang ang pagbabago sa excise tax dahil may epekto rin ito sa mga “allied industry”.
Inihalimbawa ng senador ang mga supermarket owners, sari-sari stores at maging mga “takatak vendors” o nagbebenta sa kalye.
Hindi pa rin tapos ang Senado sa pagdinig kaugnay sa panukalang pagtaas sa buwis sa alak at sigarilyo na pumasa na sa House of Representatives.
Samantala, inihayag ni Dr. Cid Terosa, Vice Dean of the University of Asia and the Pacific School of Economics, apektado ng sin tax reform bill ang mahigit sa 8 milyong empleyado na posibleng mawalan ng trabaho.
Ang 708 porsiyentong increase umano sa mga “low-priced cigarettes” ay dadagdag sa 1.13 porsiyentong points sa inaasahang inflation rate ngayong taon na magdudulot ng mas pagkawala ng trabaho at household incomes.
May domino effect din umano ito sa mga manggawa ng manufacturing plants, gumagawa ng botelya, caps, labels, pastes (adhesive), at mga supplier ng asukal, molasses, coconut, at iba pa.
Nauna ng sinabi ni Steven Cua ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association of the Philippines na kung masyadong mataas ang ipapataw na tax posibleng hindi na magtinda ng sigarilyo ang mga supermarkets dahil posibleng bumaha ang mga smuggled na imported na sigarilyo.
- Latest
- Trending