MANILA, Philippines - Walong dayuhang divers ang nanguna sa 36 bayani na tumanggap ng parangal sa matagumpay na operasyon ng Task Force Kalihim na kumuha sa bangkay ng yumaong si dating DILG Secretary Jesse Robredo at dalawang piloto na nasawi sa bumagsak na eroplano sa Masbate City noong Agosto 18 at pananalasa ng habagat.
Ang Bakas (Bayang Likas) parangal na ginanap sa Camp Aguinaldo ay iginawad ni Pangulong Aquino kasama sina Defense Secretary Voltaire Gazmin, mga opisyal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at AFP.
“On behalf of the entire Filipino nation, I salute all of for your courage,” ayon sa Pangulo.
Kabilang sa mga pinarangalan ang mga British divers na sina Matt Reed, Shelagh Cooley, Anna Cu Injieng; mga Koreans na sina Poby Han Myung Yeol, Jung Hyeon Lee at George Ang Dy Pay, at German diver na si Danny Brumbach na dumanas ng ‘decompression sickness’ sa operasyon.
Kinilala rin ang nasa 36 AFP personnel kabilang ang 13 pang bayaning sundalo na gumanap ng mahalagang papel sa search and rescue operations sa pananalasa naman ng habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha kung saan nagmistulang ‘waterworld’ ang Metro Manila noong huling bahagi ng Hulyo.
Ang Bakas Parangal ay ini-host ng NDRRMC kung saan nasa 308 katao kabilang ang mga local chief executives at mga sibilyang tumulong sa disaster response operations sa panahon ng habagat ang tumanggap ng natatanging pagkilala mula sa ahensya.