^

Bansa

Among nambugbog ng maid, bugbog din sa asawa

- Malou Escudero - The Philippine Star

 Manila, Philippines - Ibinunyag ni Bonita Baran, ang katulong na minaltrato, na binubugbog din ang amo niyang si Analiza Marzan ng kanyang asawang si Reynold Marzan.

Nagkaharap na kahapon sa pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources ang biktima at kanyang mga amo, kung saan sinabi ni Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, chairman ng komite na nakaranas din ng pananakit si Analiza at sa katunayan ay nagsampa pa ito ng kaso laban kay Reynold dahil sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women noong 2008 sa Quezon City Regional Trial Court Branch 225.

Kinumpirma ni Analiza ang nasabing kaso pero nilinaw niya na hindi na niya ito pinursige at hindi rin alam ng kaniyang asawa ang isinampa niyang kaso.

Ipinakita pa ni Estrada sa doktor na dumalo sa imbestigasyon ang nilalaman ng reklamo ni Analiza noong 2008 at base sa kaniyang interpretasyon, napakarami nitong injuries o nakaranas ng matinding pambubugbog mula sa kaniyang asawa.

Itinanggi naman ni Reynold ang paratang at hindi rin umano nito alam ang nasabing reklamo.

Noong una ay tumanggi si Analiza na nakaranas siya ng pananakit pero sa huli ay umamin rin ito at sinabing bahagi na ng personal na buhay nila ang naganap.

Kinumpirma naman ni Bonita na simula ng duma­ting siya sa bahay ng mga Marzan ay nasaksihan niya ang away ng kaniyang mga amo.

Naging kasambahay ng mga Marzan si Bonita noong 2007 hanggang Mayo 2012 at nagsimula umano siyang saktan ni Analiza noong 2008.

Ikinukulong umano siya sa loob ng bahay at pinauwi lamang ni Analiza dahil halos hindi na siya makakita at hindi na siya mapakinabangan.

Sinabihan pa umano ni Analiza si Bonita na huwag magsusumbong pagdating sa kanilang tahanan sa Catanduanes.

Isinalaysay ni Bonita sa komite ang iba’t ibang pa­na­nakit na ginawa sa kaniya ni Analiza kung saan anim na beses umano siyang pinalantsa sa mukha, ulo at braso at sinuntok sa mata kaya nabulag ang kaniyang kanang mata at halos nawala na rin ang paningin ng kaliwang mata.

Pinabulaanan naman ni Analiza na siya ang nanakit kay Bonita dahil puro peklat na umano ito ng dumating sa kanila. Nauna ng sinabi ni Analiza sa mga panayam na “self-inflected” o si Bonita mismo ang nanakit sa kaniyang sarili.

Pero ayon kay Dr. Erwin Erwin, mula sa Forensic Laboratory ng Public Attorney’s Office na base sa isinagawa niyang pagsusuri kay Bonita noong Hulyo 17, 2012, mahigit sa 200 ang sugat nito sa katawan at ang pinakamalubha ay ang fracture nito sa ilong at extensive na peklat sa mukha at sa ulo.

Tinanong ni Sen. Vicente Sotto kung posible bang noong Hunyo 2012 lang nakuha ni Bonita ang mga peklat kung kailan ito umuwi sa kanilang taha­nan, pero negatibo ang naging sagot ng doktor.

Marami umano sa mga sugat ay nasa “various state of healing” at imposibleng bago lamang ang mga ito.

Sinabi ni Sotto na posibleng si Bonita ang pinag-iinitan ni Analiza sa tuwing sasaktan ito ng kaniyang asawa.

Itinanggi rin ni Bonita na sinasaktan siya ng among lalake at tanging si Annaliza lamang umano ang nagmamaltrato sa kaniya.

Nagdesisyon naman si Estrada na pakawalan na ang mag-asawa at ibigay na ang mga ito sa pangangalaga ng Quezon City Regional Trial Court. Si Analiza ay nakatakdang ikulong umano sa Camp Karingal kung saan mayroong bilangguan para sa mga babae samantalang ang asawa nitong si Rey­nold ay sa Quezon City Jail.

ANALIZA

ANALIZA MARZAN

ANTI-VIOLENCE AGAINST WOMEN

BONITA

BONITA BARAN

CAMP KARINGAL

DR. ERWIN ERWIN

UMANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with