Manila, Philippines - Binalewala ni Senate President Juan Ponce Enrile ang kumakalat na tsismis sa Senado na may nagbabalak na i-kudeta siya.
Sa halip, nagpasalamat pa si Enrile sakaling matuloy ang kudeta dahil magkakaroon na umano siya ng panahon para makapagpahinga.
“Okay lang. Thank you…Thank you dahil maibibigay na ang obligasyon ng senate president…hindi ka makapasyal eh,” sabi ni Enrile.
Nakatitiyak si Enrile na sakaling may pumalit sa kaniya makakaya nito ang trabaho ng isang senate president.
Sa hiwalay na panayam sinabi ni Senator Franklin Drilon na wala siyang alam sa sinasabing kudeta sa Senado.
Sakaling mayroon man umanong nagtatangka, hindi nito bahagi si Drilon.
Samantala, itinanggi ni Sen. Manny Villar na humihingi ng tulong ang Liberal Party sa Nacionalista para sa sinasabing planong kudeta kay Enrile.
Inihayag din ni Villar na wala namang usapan ng kudeta at ispekulasyon lamang ang naturang isyu.