Marathon session sa P2-trilyong budget, sinimulan
MANILA, Philippines – Sinimulan na kahapon ang marathon session ng Kamara para sa deliberasyon ng mahigit sa P2 trilyong budget ng gobyerno para sa 2013.
Sinabi ni House Majority leader Neptali Gonzales II, umaga at hapon na ang magiging sesyon sa Kamara hanggang sa matapos ang approval sa budget.
Ang sesyon ay pinasimulan ganap na alas-10:00 ng umaga upang masiguro na hindi kakapusin ang panahon ng Kongreso sa pagpapatibay ng pambansang pondo.
Ayon naman kay House Secretary General Marilyn Barua-Yap, napagkasunduan ng mga lider ng Kamara na hanggang Biyernes na ang sesyon sa halip na hanggang Miyerkules lamang.
Kahapon, pormal nang iniakyat ni House Appropriations Committee chairman Joseph Emilio Abaya ang budget sa plenaryo at mayroon lamang dalawang linggo ang Kongreso para tapusin ang plenary deliberations sa budget at ilusot ito sa ikalawang pagbasa.
- Latest
- Trending