Senatorial slate ng LP, kinukumpleto na
MANILA, Philippines – Minamadali na ng Liberal Party (LP) at ng mga ka-koalisyon nitong partido na mabuo at makumpleto na ang kanilang senatorial slate para sa 2013 elections.
Ayon kay House Majority leader Neptali Gonzales, tatlong araw sa isang linggo na ang pulong ng LP sa mga kasama sa koalisyon kabilang ang Nationalist Peoples Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP) at Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP).
Paliwanag ni Gonzales, bumabawi lamang umano sila sa panahong nawala dahil nahinto ang kanilang pulong dahil sa pagkamatay ni DILG Secretary Jesse Robredo.
Samantala, siniguro naman ni Pangulong Benigno Aquino III na kasama sa senatorial ticket ng administrasyon para sa 2013 elections ang anak ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa media delegation sa Russia, kabilang si Grace Poe Llamanzares, chairperson ng MTRCB, sa line-up ng Liberal Party coalition.
Bukod kay Grace Poe, wika pa ng Pangulo, kasama din sa tiket sina dating Sen. Ramon Magsaysay Jr., dating Akbayan Partylist Rep. Rissa Hontiveros at Aurora Rep. Sonny Angara.
Pero sinabi ni Aquino, kumukuha pa ng feedback ang LP sa ground at sa survey hinggil kay Sec. Joel Villanueva ng TESDA habang pinag-aaralan pa din ng partido kung sino kina Customs Comm. Ruffy Biazon at ama nitong si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon ang isasabak sa senatorial race sa 2013.
- Latest
- Trending