MANILA, Philippines – Hindi haharangin ng Malacañang ang isasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng pagkakasangkot ni Department of Interior and Local Government (DILG) Udersecretary. Rico Puno sa kontrobersya na ‘pag-raid’ sa condominium unit ng yumaong DILG Sec. Jesse Robredo at tanggapan nito sa Napolcom.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, malaya ang Senado sa gagawin nitong imbestigasyon kay Usec. Puno at walang balak ang Palasyo na harangin ito.
Hiniling ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na imbestigahan ng Senado si Puno dahil sa kontrobersya.
Sinabi ni Usec. Valte, karapatan ni Santiago bilang mambabatas na magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Valte, naniniwala silang ang gagawing imbestigasyon ay “in aid of legislation” para makabuo ng isang mahalagang batas.
Ayaw namang pangunahan ng Malacañang si Puno sa harap ng panawagang magbitiw na lamang ito sa puwesto.
Samantala, pinaimbestigahan na rin ni Agham party list Rep. Angelo Palmones ang umano’y P1 bilyon bidding ng mga baril na pinasok ni Usec. Puno.
Ayon kay Palmones, kuwestiyonable umano kung paanong naipasok ng Trust Trade and partner Glock, Asia Pacific Ltd sa bansa ang 28,000 piraso ng glock caliber 9-mm pistol mula sa United States noong Setyembre 4 sa Manila South Harbour.
Paliwanag ni Palmones, hindi pa umano naa-award ang kontrata ay ibinibiyahe na sa Pilipinas ang mga baril kaya’t lumalabas umano na siguradong-sigurado na ang Trust Trade na sila ang mananalo sa bidding.