MANILA, Philippines - Pitong OFW ang mapalad na nabigyan ng pardon o royal clemency at nakatakda nang makalaya sa kulungan sa Saudi Arabia.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Midde East, karaniwang binibigyan ng pardon ni Saudi King Abdullah ay ang mga na-convict na mga petty crime offenders kabilang na ang mga migrant workers.
Ang nasabing royal clemency ay ibinibigay matapos ang Ramadan bilang pagpapakita ng diwa ng paggawa ng kabutihan, pagpapatawad at pagka-maawain sa pamamagitan ng pag-aalis ng gawad na parusa sa mga sentensyado o nakagawa ng paglabag sa batas ng Saudi.
Inaasahan ng Migrante na mas mataas ngayong taon ang mabibigyan ng pardon dahil umaabot na sa 600 hanggang 800 OFWs ang nakakulong sa iba’t ibang piitan na umaasa sa pardon subalit pito lamang ang napagkalooban ng royal clemency. (Ellen Fernando)