Smuggling ng bakal talamak daw
MANILA, Philippines - Umapela ang ilang lokal na gumagawa ng produktong bakal sa Cebu na imbestigahan ang umano’y talamak na pagpapalusot ng isang kumpanya ng “finished metal products” na ang presyo ay mas mababa pa sa scrap metal.
Ang nasabing reklamo ay ipinarating na ng Philippine Iron and Steel Institute at Galvanized Iron Wire Manufacturing Association kina Department of Finance (DOF) Sec. Cesar Purisima at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ruffy Biazon.
Sa reklamo ng mga lokal na kumpanya sa Cebu, ang tinutukoy nilang kumpanya na naka-base sa Mandaue ay mayroong maliit na steel rolling plant.
Ito ay pangunahing nag-aangkat ng finished steel products tulad ng ‘smaller sized steel wire rods’ na nirorolyo para lumabas bilang ‘reinforcing steel bars’ at ibinebenta sa mga hardware stores para sa maliliit na construction projects.
Ipinagtataka ng mga nagreklamo kung paano nailulusot ang mga steel rods sa presyong mas mababa pa sa presyo ng scrap metal.
Ang tanging paliwanag diumano na nakuha ng mga manufactures sa Cebu Customs ay “transaction value method” ang kanilang ginagamit para malaman ang buwis at taripa sa mga imported products.
Sa ganitong sistema tanging dokumento lang ng shipment na nakalagay ang presyo at notaryado sa pinanggalingan ng produkto ang kailangan. Pwedeng tanggapin na lamang ito ng customs collector kahit na may iba pang prescribed BOC valuation methods and references para ma-double check ang deklaradong presyo.
Kung seryoso umano ang BOC na sawatain ang technical smuggling ay madali lamang kung talagang paiiralin ang Valuation Procedure mismo ng BOC o ‘di kaya ay mag-cross reference sa Metal Bulletin Weekly, Steel Business Briefing of London o MySteel ng Tsina kung saan nakatala ang kasalukuyang presyo ng mga bakal o metal. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending