Diplomatic solutions sa Spratlys ituloy- Haresco
MANILA, Philippines - Hinimok ni Ang Ka sangga Partylist Representative Teodorico Haresco ang pamahalaan na ipagpatuloy ang paghahanap ng diplomatic solutions sa pinag-aagawang Spratlys Island.
Ito’y kasunod nang inaasahang pagkakaroon ng one-on-one meeting sa pagitan nina Pangulong Aquino at Chinese President Hu Jin Tao sa sidelines ng 20th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting sa Vladivostok, Russia.
Ani Haresco, bunsod ng slowdown sa ekonomiya ng China, posible umanong gamitin ng pamunuan ng China ang nationalist sentiment bilang paraan upang malipat ang pokus sa domestic problems.
Iginiit ni Haresco na may mga senyales na bumabagal ang pag-usad ng ekonomiya ng China.
“Bloomberg reports that among China’s five largest banks, overdue loans have jumped by 27%,” aniya.
Iniulat rin umano ng Bloomberg na ang manufacturing figures ay mas lumiit pa hanggang nitong Agosto at ang mga financial institutions tulad ng Australian New Zealand Banking Group Ltd. (ANZ) at Bank of America ay nag-rebisa na ng kanilang growth forecasts para sa China ng pagbaba o mula 8% patungong 7.6%.
Aniya pa, sa ngayon ay hindi pa nakakagawa ng agarang hakbang ang China bilang proteksiyon sa impact ng GDP growth shortfall.
Sinabi ni Haresco na hanggang ngayong 2012, ang gastos ng military ay iniulat na mahigit sa US$100 billion na maaring “conservative estimate” lang.
Hinimok rin naman ni Haresco ang pamahalaan ng Pilipinas na ipagpatuloy ang agresibong paghahanap ng pakikipagkasundo sa pagitan ng China hinggil sa Spratlys, at sinabing ang isa sa mga course of action ng Pangulong Aquino na makipag-alyado sa Amerika sa pagbuo ng diplomatic solution, ay tama.
Dahil ang pinagmumulan ng problema ng China ay posibleng may kinalaman sa ekonomiya, ang posibilidad ng back door bilateral talks, sa tulong ng mga Filipino taipans na may interes sa China at sa Pilipinas, ay maaaring makatulong.
Ang nature ng naturang kasunduan ay maaaring umikot sa paglakas ng kalakalan, turismo, investment, at employment sa pagitan ng dalawang bansa.
- Latest
- Trending