MANILA, Philippines - Nakasabat ang Bureau of Customs (BoC) ng anim na pirasong rhinoceros horn na aabot sa P47 million ang halaga sa Manila International Container Port (MICP) sa Maynila.
Ayon kay Customs Commissioner Ruffy Biazon, nakatago ang kontrabando sa isang container van na may lamang 300 sakong imported cashew nuts.
Napag-alaman na ang rhinoceros ay kabilang sa endangered species na hayop at ang sungay nito ay popular at naibebenta ng napakamahal dahil sa paniniwala na nakakagamot ito sa mga sakit gaya ng cancer at malaria.
Ang rhinoceros horn ay nasakote ng mga tauhan ni Biazon sa pamamagitan ng operatiba ng MICP-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
Ayon kay Biazon, ang nabanggit na kargamento ay may bigat na 8.5 kilos at nagkakahalaga ito ng P47 million na nagmula pa sa Mozambique, Africa noong Agosto 25, 2012 at tinangkang ipuslit sa MICP.
Kakasuhan ng paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines at sa Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Faura and Flora, (CITES) ang mga nagpuslit ng nasabing kontrabado.
Kahapon ay iprinisinta ni Biazon sa mga mamamahayag ang mga nasabat na kontrabando.