MANILA, Philippines - Upang maging aktibo ang publiko sa pagtulong sa paglaban sa kriminalidad, iminungkahi ni House Deputy Speaker Erin Tañada na bumuo ng top 1,000 criminals at i-post ang larawan ng mga ito sa social networking sites tulad ng Facebook.
Ayon kay Tañada, panahon na para magkaroon ng Central Information System na magsisilbing rosters ng mga most wanted na kriminal pati ang kanilang illegal na aktibidad at buksan ito sa publiko.
Ang mungkahi ng mambabatas ay bunsod sa pagdami na naman ng krimen sa bansa.
Base sa datos, tumaas ng 9% sa unang bahagi ng 2012 ang krimen sa Metro Manila habang bumaba naman sa ibang bahagi ng bansa.
Isa naman sa nakikitang dahilan ng pagtaas ng krimen ay dahil sa migration ng organized crime groups sa Metro Manila.
Suhestiyon pa ni Tañada, maaaring magbukas ng Facebook account kung saan idi-display ang rogues gallery ng mga most wanted para mas marami ang makakita nito sa isang click lamang ng computer mouse.
Sa sandaling magawa umano ito at maging viral sa internet ang listahan ng mga kriminal ay siguradong mapapabilis ang paghuli sa mga nagtatagong salarin.