MANILA, Philippines – Umaapela sa Senado ang mga tobacco growers na ibasura ang panukalang batas na magpapataw ng mataas na buwis sa mga mumurahing siga rilyo dahil mistulang isa umano itong parusa na posibleng maging dahilan para mamatay ang nag-iisang industriya na nagbibigay ng kabuhayan sa libo-libong magsasaka ng tobacco.
Binatikos ng Philippine Tobacco Growers Association (PTGA) na may 20,000 miyembro ang gobyerno dahil maituturing umanong isang eksperimento ang isinusulong na mataas na tax scheme kung saan ang maaapektuhan ay ang mga magsasaka.
Nauna ng inihayag sa mga senador ni Saturnino Distor, presidente ng organisasyon, na hindi naman nila tinututulan mismo ang pagpapataw ng buwis sa sigarilyo, pero ang tutol sila sa sobrang taas na buwis para sa mga “low-grade” na sigarilyo.
Nakatitiyak si Distor na marami ang mawawalan ng trabaho kapag tuluyang ipinatupad ang panukala.
Ang PTGA ay kinakatawan ng mga tobacco growers mula sa mga probinsiya ng Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra, Isabela, Cagayan at Occidental Mindoro.
Sinabi pa ni Distor na kung maayos naman ang kasalukuyang excise tax sa tabako ay hindi na dapat ipilit ng ating gobyerno na palitan ito ng isang sistemang hindi pa subok.
Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Hunyo ang panukalang 708 porsiyentong tax hike sa mga “low-grade, low-priced cigarettes; 297 porsiyentong pagtaas sa tax para sa mid-priced brands at 150 persiyentong tax hike sa mga “high-priced brands”.
Nagpasalamat naman si Distor kay Senator Ralph Recto dahil sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na ihayag ang kanilang panig tungkol sa panukalang pagtataas ng buwis sa sigarilyo.