MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagbaba sa singil sa kuryente ngayong Setyembre sa mga kustomer ng Manila Electric Company (Meralco) dahil sa pagbabalik na sa normal ng Malampaya gas plant sa Palawan na pinagkukunan nila ng suplay.
Sinabi ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, na pangunahing makakaapekto sa pagbaba ng electric bills ang pagbabalik sa normal na operasyon ng Malampaya gas plant sa Palawan na nakumpleto ang pagkukumpuni nitong Hulyo.
Sumabay pa dito ang pagbaba ng isinusuplay ng Ilijan natural gas plant.
Dahil sa mga ito, napuwersa ang mga planta ng 1,000-MW Sta. Rita at 500-MW San Lorenzo natural gas plants ng mas mahal na sangkap sa kuryente upang matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente ng Meralco.
Bukod pa sa pagbabalik sa normal ng Malampaya, inaasahan rin na bababa na ang demand sa kuryente ngayong pagpasok ng Setyembre dahil sa mas malamig na panahon.
Samantala, hindi pa tiyak ng Meralco kung magkano at kailan ipapatupad ang refund sa singil sa kuryente.
Kailangan pang dumaan sa pagdinig ng Enery Regulatory Commission (ERC) kung ano ang pinal na halagang maire-refund dahil sa sobrang singil ng Power Sector Assets and Liabilities Management corporation (PSALM) na tinataya nilang aabot sa P9.1 bilyon.