MANILA, Philippines – Tiniyak ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Sixto Brillantes sa mga residente ng Imus City, Cavite na “tutuldukan” na nito ang kontrobersiyal na isyu ng nanalong mayor sa siyudad bago matapos ang buwan.
Ang pahayag ni Brillantes ay kasunod nang “pagsugod” kahapon ng higit 2,000 residente ng Imus City sa Comelec main office sa Maynila upang iparating ang kanilang pagkadismaya sa umano’y patuloy na pagbalewala ng poll body sa petisyon ni Mayor Homer Saquilayan na pinal nang desisyunan ang naturang isyu.
Matatandaan na Agosto 15 pa naglabas ng ‘unanimous decision’ ang Comelec First Division kung saan kinumpirma nito ang panalo ni Saquilayan sa lamang na 8,429 boto laban kay Emmanuel Maliksi.
Inatasan din nito ang Comelec legal office na imbestigahan ang mga umano’y pandaraya matapos ang halalan.
Agad naghain ng ‘motion for the issuance of writ of execution’ si Saquilayan upang tahimik at maayos siyang makabalik sa puwesto, subalit bigo pa rin umanong aksyunan ng poll body.
Patuloy namang nakaupo si Maliksi bilang alkalde matapos paboran ni Judge Cesar Mangrobang ng Imus Regional Trial Court ang kanyang reklamo kung saan inalis din si Saquilayan bilang mayor mahigit walong buwan na ang nakaraan.
Sa panayam, ipinunto ni Saquilayan na batay na rin sa regulasyon ng Comelec, mayroon lamang itong walong araw para sagutin ang kanyang mosyon.
“Pero hanggang ngayon wala pa rin kaya ang mga tao sa Imus ay naiinip nang masyado,” anang alkalde.
Aniya pa, ang kanilang pagkilos kahapon ay bilang paggunita na rin sa ika-116 anibersaryo ng ‘Battle of Imus’ na sagupaan ng mga rebolusyunaryong Pilipino sa Cavite at mga sundalo ng kolonyalistang España.
“Kung dati ay nakipaglaban kami para sa ating pambansang kasarinlan, ngayon naman ay nakikipaglaban kami rito sa Comelec para maipatupad ang ‘matuwid na daan’ sa ating mga halalan,” dagdag pa nito.
Napakalma naman ni Brillantes ang mga nag-raling residente sa kanyang ibinigay na pangako.
Anila, nauunawaan naman nila si Brillantes at batid din umano nila na matindi ang ‘pressure’ sa Comelec chief gayunman, naniniwala silang reresolbahin na nito ang usapin pabor sa katotohanan at matuwid na daan.
Una nang ibinunyag ni Cavite Rep. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, kapartido ni Saquilayan, na ilang matataas umanong opisyal sa gobyerno ang “dumidiin” sa Comelec pabor kay Maliksi.
Si Maliksi ay miyembro ng Liberal Party (LP) at malapit na kaalyado sa pulitika ni Pang. Benigno ‘Noynoy’ Aquino.