Testimonya ng mga suspek ire-record na
MANILA, Philippines - Gagawin ng electronically recorded ang pagkuha ng testimonya sa mga suspek upang maiwasan ang maling paghatol sa mga ito.
Sa House bill no. 4341 ng mag-inang Pampanga Rep. Gloria Arroyo at Camarines Sur Rep. Datu Arroyo, layunin nito na maiwasan ang maling paghatol sa mga inosenteng indibidwal bunsod na rin ng paggamit ng ‘false confessions’ sa korte para maparusahan ang mga wala namang kasalanan.
Inoobliga sa panukala na sa lahat ng interogasyon na gagawin sa mga hinihinalang suspek ay kailangan mai-record.
Sa ilalim din ng HB 4341 o mas kilala bilang “Preventing False Confessions Act of 2012” ay layong maiwasan ang paggamit ng mga peke o maling admisyon ng mga kasalanan sa korte.
Sa ilalim ng panukala, ang ‘electronic recording’ ay nangangahulugan ng audio o visual recording na tunay, tama at hindi nagalaw o naiba ang custodial interrogation o pagtatanong na ginawa ng mga otoridad at kasagutan ng mga nasasakdal.
Bukod dito, ang camera sa isang detention ay kailangang tuloy-tuloy na nakatuon pareho sa interrogator at sa iniimbestigahang suspek.
Ang Philippine National Police (PNP) ang magbabantay at magtitiyak na ang mga electronic recording requirements ay nasusunod ng mga interrogating officer.
- Latest
- Trending