Gunman ni Venson Evangelista timbog
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga awtoridad ang itinuturong gunman sa kaso ng pagdukot at pagpaslang sa car dealer na si Venson Evangelista na ang bangkay ay sinunog pa noong 2011 sa isinagawang follow-up operation sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa.
Kinilala ni PNP–Highway Patrol Group Director P/Chief Supt. Leonardo Espina ang suspek na si Rolando “Rolly” Talban, isa sa miyembro ng notoryus na Dominguez carjacking gang.
Si Talban, gumagamit ng mga alyas Eduardo Fernandez at Michael Villafranca ay may patong sa ulong P500,000 kapalit ng kaniyang pagkakaaresto.
Ayon kay Espina, ang suspek ay nasakote ng mga operatiba ng Dasmarinas City Police dakong alas-11:40 ng gabi sa harapan ng Bagong Bayan Elementary School sa Brgy. Burol 1 ng lungsod kaugnay ng kasong frustrated homicide kung saan nagpakilala ito bilang Wilson Mendoza.
Sa isinagawang imbestigasyon at beripikasyon ng Task Force Limbas ng PNP–HPG ay natukoy na ang suspek ay nagpapanggap lamang at ito ang wanted na si Talban na sangkot sa serye ng carjacking.
Sinabi ni Espina na ang suspek ay positibong nakilala sa isang ‘tribal tattoo’ sa kaniyang kanang balikat at Superman tattoo naman sa kaliwang balikat gayundin ang peklat nito sa kaliwang dibdib at hita na nakuha nito sa engkuwentro sa PNP-HPG personnel noong 2010.
Bukod sa pagpatay kay Evangelista, si Talban rin ang itinuturong pumatay sa isang government employee na si Teresita Teano sa isang kaso ng carjacking noong nakaraang taon sa Quezon City.
- Latest
- Trending