MANILA, Philippines - Bibilang ng limang taon ang Philip Morris official na si Robert Blair Carabuena bago makapagmaneho ulit kapag nakansela ang driver’s license nito kaugnay ng ginawang pagmumura at pananapak sa MMDA enforcer na si Sonny Fabros kamakailan.
Sa isang press conference, sinabi ni Atty Teofilo Guadiz, hepe ng LTO-NCR,ang hakbang ay gagawin oras na mapatunayang nagkasala si Carabuena.
“Hindi malayong ma-cancel namin ang driver’s license ni Carabuena kapag napatunayang nagkasala yan at maghihintay siya ng 5 taon para makapagmaneho ulit, mag-aaplay siya ng panibago sa LTO,” sabi ni Guadiz.
Sa hearing kahapon ng LTO-NCR, hindi humarap sa ahensiya si Carabuena at tanging ang abogado nitong si Atty. Ceasar Ortega ang nagtungo dito.
Ayon kay Atty. Ortega, nalito sila kung aling subpoena ang kanilang sasagutin para makapag-submit ng counter affidavit dahil mayroon ding isa pang subpoena hinggil dito ang LTFRB head office.
Sabi ni Guadiz, sila ang unang nag-subpoena kay Carabuena hinggil sa planong pagkansela ng driver’s license nito, kaya ang LTO muna ang dapat na bigyan nito ng paliwanag kung bakit hindi ito maaaring kanselahin ang lisensiya.
Sinabi pa ni Guadiz na ang LTO ang nagbigay ng driver’s license kay Carabuena kayat LTO din ang dapat na magkansela nito kung mapapatunayang nagkasala ito kaugnay ng naganap na pananakit kay Fabros.
Nilinaw ni Guadiz na kahit na humingi ng tawad si Carabuena sa publiko sa nagawa kay Fabros, tuloy pa rin ang kaso.