MANILA, Philippines - Matapos ang matinding palitan ng maaanghang na salita, kinumpirma kahapon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na nagbati na sila ni Justice Secretary Leila de Lima.
Ikinuwento ni Lacson na siya mismo ang gumawa ng paraan para makausap si de Lima at mabati ito noong kaarawan niya.
“Gusto ko rin ipaalam sa inyo na I already made a peace offering with Sec. de Lima, nalaman ko kaarawan niya noon, pinatanong ko ang kanyang cell number at greet ko sa kanya, paraphrase ko na lang, if this is my way of offering peace to you, sabi ko happy birthday,” sabi ni Lacson.
Nagpahayag naman umano ng pagkagulat si de Lima at nagpasalamat sa kaniyang pagbati.
“Siya (de Lima) naman nag-reply, sabi niya what a pleasant surprise at nagpasalamat din siya,” ani Lacson.
Naiintindihan naman umano ng senador ang pagiging passionate ni de Lima sa pagtupad sa kaniyang trabaho at sa paggigiit ng sa tingin nito ay tama.
Matatandaan na naging matindi ang palitan ng mga maaanghang na salita sa pagitan nina Lacson at de Lima ng halos isang taon matapos magtago sa batas ang senador dahil sa pagkakasangkot ng kaniyang pangalan sa Dacer-Corbito double murder case.
Sinabi pa ni Lacson na posibleng siya pa ang magrekomenda ng kumpirmasyon ni de Lima sa sandaling isalang ito sa Commission on Appointments.