MANILA, Philippines - Isang malaking hamon umano kay Secretary Mar Roxas ang mapigilang magamit ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pulitika at eleksiyon sa susunod na taon.
Ito ang sinabi kahapon ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan matapos italaga ni Pangulong Aquino si Roxas bilang bagong kalihim ng DILG kapalit ng namayapang si dating secretary Jesse Robredo.
Ayon kay Honasan, kaya marahil umani ng papuri si Robredo at napakataas ng approval sa kaniya kahit pa miyembro siya ng Liberal Party ay dahil hindi niya ginamit sa pulitika ang DILG at nanatili itong non-partisan.
“Yan ang challenge kay Secretary Mar. Kaya siguro si Secretary Robredo umani ng universal praise and approval, ang approach niya sa trabaho kahit Liberal Party member siya was non-partisan, ideologically, politically, even sa religious sector, wala akong narinig na negative sa kanya,” sabi ni Honasan.
Ang hamon umano ngayon kay Roxas ay ang maging non-partisan at hindi dapat nitong payagan na magamit ang DILG na namumuno sa pulisya at sa mga local government units sa mga usaping pulitikal.
Nangangamba naman si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na mauwi ang DILG sa pagiging Department of Interior and Liberal Party Governance sa pag-upo ni Roxas.
Ayon kay Casiño, dahil sa mataas na posisyon ni Roxas sa LP at sa plano nitong tumakbo sa 2016 Presidential Elections sigurado umanong magagamit sa pulitika ang DILG.
Bukod dito, magiging bukas din umano ang DILG sa patronage politics at hindi makatwirang pagmamaniobra ng ruling party.
Sakaling mangyari umano ito ay masasayang ang naipunlang pagbabago ng namayapang si Secretary Robredo.
Para naman kay San Juan Rep. JV Ejercito, halatang pinalalakas lang ng LP ang kanilang pwersa para sa darating na 2013 at 2016 elections kaya itinalaga ng Pangulong Aquino si Roxas sa DILG.
Tiwala naman si House Speaker Feliciano Belmonte na kakayahin nina Roxas at bagong DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya ang kanilang mga bagong pwesto bagamat parehong demanding ang kanilang posisyon.