Roxas swak na sa DILG

MANILA, Philippines - Malamang si Department of Transportation and Communications Sec­ retary Mar Roxas ang itatalagang kapalit ng yumaong si Department of Interior and Local Go­vernment Secretary Jesse Robredo.

Papalit naman kay Roxas bilang kalihim ng DOTC si Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya.

Sinasabi ng apat na mapapanaligang impor­ mante na hindi na isi­nama sa pinagpipilian si Senador Panfilo Lacson dahil sina Roxas at Abaya ay mga opisyal ng namamayaning Liberal Party na pinamumunuan ni Pa­­ngulong Benigno C. Aquino III at papalapit na rin ang halalang lokal.

Sina Roxas at Abaya ay matagal nang mga haligi ng LP at mabuting kaibigan ni Robredo.

Sinasabi rin ng impormante na kailangang tanggalin ni Aquino sa listahan si Lacson dahil kailangang palakasin ng LP ang hawak nito sa mga lokalidad sa bansa o pamahalaang lokal mula sa antas ng gobernador hanggang congressman at mayor.

“Isa sa mga kandidato sa DILG si Lacson pero kailangang palakasin ang mga LGU,” sabi pa niya.

Isa pang insider ang nagsabi pa na napakahalaga ng posisyon sa DILG sa panahong nais ni Pangulong Aquino na makuha ang mayorya ng puwesto sa Senado na kasalukuyang meron lang apat na LP habang ang iba ay mga kaalyado ng Pangulo.

“Nakareserba na sa LP ang DILG. Wala na kaming magagawa,” sabi pa ng impormante na naggiit na nais matiyak ng pamahalaan na makakaupo sa Senado ang mayorya ng mga kandidato sa koalisyon ng LP.

Ayon pa sa mga impormante, ang pulong ng mga lider ng LP noong Miyerkules ay nagtutulak kay Roxas para umupo sa DILG habang si Abaya na nasa third at huling term na ng pagiging kongresista ay uupong kalihim ng DOTC.

Show comments