Tabacco farmers nagpasaklolo na sa Senado
MANILA, Philippines - Nagpasaklolo na sa Senado ang mga magsasaka at manggagawa na nasa tobacco industry dahil sa napipintong maapektuhan ang kanilang kabuhayan ng panukalang 708 porsiyentong dagdag na buwis na ipapataw kahit na sa mga ‘low grade’ na sigarilyo.
Nakatakdang magsagawa ng protesta sa Senado ang mga magsasaka at manggagawa ng tabako sa pagpapapatuloy ng ikatlong pagdinig ng Senate ways and means committee sa panukala sa pagbabago sa excise tax system.
Naniniwala ang ilang kompanya ng tabako na posibleng lalong lumala ang smuggling ng mga imported na sigarilyo sa bansa sa sandaling ipasa ang Sin Tax Bill.
Ayon kay Philippine Tobacco Institute president Rudy Salanga, suportado naman nila ang dagdag buwis sa sigarilyo pero dapat umanong “moderate” at “reasonable” naman ito.
Nagtataka naman ang Philippine Tobacco Growers Association (PTGA) sa ginawang pagpasa ng Kamara sa sin tax reform bill dahil kabilang sa mga naging pangako ni Pangulong Aquino ang hindi pagdadagdag ng buwis sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Nauna rito, nagbabala si Enrile kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na maghinay-hinay sa pagpapataw ng buwis sa produktong sigarilyo dahil posibleng magreresulta ito sa talamak na smuggling sa bansa.
“I’ll tell it to your faces. I’m talking from experience. We are looking at your system. You are not going to collect what you want to collect. This whole country, you cannot police it to prevent smuggling. It happened in the 70’s and can happen again,” pahayag ni Enrile.
- Latest
- Trending