Pagbenta ng NBP binuhay
MANILA, Philippines - Binuhay kahapon ni Senator Franklin Drilon ang panukalang batas na naglalayong ibenta ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa upang magamit ang mapagbebentahan sa pagtatayo ng mga regional prisons sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Drilon, aabot sa $1 bilyon ang halaga ng lupang kinatatayuan ng NBP at maaring hawakan ng Privatization and Management Office ang transaksiyon.
Ginawa ni Drilon ang pahayag matapos ang pagdinig ng panukalang budget ng Department of Justice para sa 2013.
Sinabi ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III, nakikipag-usap na ang DOJ sa Department of Finance at Housing and Urban Development Coordinating Council kaugnay sa posibleng paglilipat ng NBP sa ibang lugar.
Kung matutuloy ang pagbebenta ng NBP maaari ng simulan ang regional system para sa mga bilanggo at magkaroon na rin ang mga ito ng pagkakataon na maging mas malapit sa kani-kanilang pamilya.
- Latest
- Trending