MANILA, Philippines - Pinayuhan ng pamunuan ng Pagasa ang publiko na paghandaan na ang 11 pang mga paparating na mga bagyo sa bansa na inaasahang papasok sa mga susunod na buwan.
Ito’y dahil sa inaasahang pagtama na sa lupa ng mga bagong bagyong papasok sa Pilipinas bunga ng kawalan na ng high pressure area na tutulak sa mga bagyo patungong Hilaga bago pa ito tumama sa kalupaan ng bansa.
Sa 21 bagyo ngayong 2012, 10 pa lamang ang pumapasok sa Pilipinas at ito ay sina Ambo, Butchoy, Carina, Dindo, Enteng, Ferdie, Gener, Helen, Igme at Julian.
Samantala, ngayong Miyerkules, si Igme ay inaasahang nasa layong 785 km hilaga hilagang silangan ng Basco, Batanes o layong 355 km hilaga hilagang silangan ng Taipei, Taiwan.