Mag-asawang nanortyur ng kasambahay ipinapaaresto
MANILA, Philippines - Inirekomenda kahapon ni Senator Jinggoy Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor ang pagpapa-aresto sa mag-asawang employers ni Bonita Baran, ang kasambahay na nakaranas ng pagmamaltrato sa loob ng ilang taon.
Ayon kay Estrada, wala na siyang magagawa kundi ang ipag-utos ang pag-aresto kina Reynaldo at Annaliza Marzan na muli na namang hindi sumipot sa pagdinig kahapon ng komite.
“The committee has no choice but to issue an order of arrest against them,” ani Estrada.
Matatandaan na lumapit sa tanggapan ni Estrada, awtor ng panukalang Kasambahay Bill, si Baran matapos makaranas ng pagmamalupit sa mag-asawang Marzan.
Inatasan kahapon ni Estrada ang committee secretariat na ihanda ang arrest order laban kina Marzan.
Sa pagdinig kahapon, tanging ang abogado lamang ni Marzan na si Atty. Jess Fernandez ang sumipot.
Nadismaya si Estrada sa ginawang pag-iisnab sa kaniyang komite lalo pa’t halata umanong nagsisinungaling ang mga abogado ng mag-asawang Marzan.
Ayon kay Fernandez, hindi aniya sila nagkikita ng kanyang mga kliyente at tanging sa telepono lang niya nakakausap ang mag-asawa.
Matatandaan na kinasuhan na sa Quezon City Metropolitan Trial Court ang mag-asawang Marzan dahil sa pagmaltrato nito sa kanilang kasambahay.
Pinaghahanap na rin sila ng mga pulis matapos magpalabas ang korte ng warrant of arrest laban sa kanila.
- Latest
- Trending