Hamon ni PNoy sa bagong CJ, patas na batas sa mahirap at mayaman
MANILA, Philippines - Umaasa si Pangulong Benigno Aquino III na manunumbalik na ang pagtitiwala ng publiko sa Korte Suprema matapos niyang hirangin bilang punong mahistrado si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
“Umaasa akong titimbangin mo ang iyong hatol at pasya upang manumbalik ang kompiyansa ng taumbayan sa institusyong iyong pamumunuan. Ang atas sa iyo ng taumbayan: pairalin ang patas na sistemang pangkatarungan; wala dapat itong kilingan, mayaman man o mahirap, karaniwang Pilipino man o nasa kapangyarihan. Sa ating bagong Punong Mahistrado: Huwag kang mawalan ng loob sakaling dumagsa ang mga pagsubok na kailangan mong pasanin; makakaasa kang kasangga mo ang sambayanang Pilipino,” wika pa ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng “National Heroes Day” kahapon sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Samantala, hinikayat ni House Deputy Speaker Erin Tañada ang bagong talagang Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si Ma. Lourdes Sereno na agarang punuan ang mga bakanteng puwesto sa Hudikatura.
Ayon kay Quezon Rep. Tañada, bukod sa paglalagay ng mga empleyado sa mga bakanteng puwesto ay si Sereno din ang “perfect poster girl” para sa panghihikayat ng mga bagong abogado.
- Latest
- Trending