MANILA, Philippines - Kinondena ng mga residente ng Imus City, Cavite ang umano’y kawalan ng “tapang” at “political will” ni Commission on Elections chairman Sixto Brillantes at iba pang opisyal ng Comelec na agarang ipatupad ang desisyon nitong nagdeklara kay Mayor Homer Saquilayan bilang tunay na alkalde ng siyudad.
Sa isang news forum sa Quezon City noong Sabado, binatikos din ni Partido Magdalo chairman at Cong. Jesus Crispin Remulla ang Malacañang sa “panghihimasok” sa poll protest upang tiyakin umano ang patuloy na pag-upo bilang alkalde ni Emmanuel Maliksi.
“Nakikiusap kami sa Comelec na magpakita ng tapang at gawin nang tama ang kanilang trabaho.
Sabi pa ni Remulla, isang “top level” na opisyal sa Malacañang ang umamin umano sa kanya na buong puwersa ng gobyerno ay ginagamit ngayon pabor kay Maliksi na miyembro ng Liberal Party (LP) at malapit na kaalyado sa pulitika ni Pangulong Aquino.
“Dapat na ring itigil ng Malacañang ang pagiging ‘ipokrito’ sa palaging pagsasabi ng ‘matuwid na daan’ habang wala naman silang ginawa kundi protektahan ang kanilang mga kaalyado sa pulitika at pakialaman ang Comelec sa trabaho nito,” pahayag ni Remulla.
Si Maliksi ay anak ni ex-Gov. Irineo Maliksi at inaanak naman ni Sen. Panfilo Lacson.
Sa rekord ng protesta na kinumpirma ng Comelec, nanalo si Saquilayan kay Maliksi sa kabuuang 8,429 boto.
Sa kabila nito, naupo pa ring mayor si Maliksi matapos paboran ni Imus Regional Trial Court judge, Cesar Mangrobang, ang kanyang protesta.
Sa magkasunod namang desisyon ng Comelec First Division noong Mayo 7 at Agosto 15, kinatigan nito ang reklamo ni Saquilayan at idineklara itong tunay na nanalong alkalde ng Imus.
Sa ngayon ay may binubuno namang administrative complaint si Mangrobang sa Supreme Court na isinampa ni Saquilayan.
Bukod sa pagkumpirma sa panalo ni Saquilayan, inutusan din ng Comelec ang Law Department nito na imbestigahan si Maliksi at ang mga ‘di pa kilalang suspect sa umano’y tampering ng mga ballot boxes pagkatapos ng halalan.
Nakiusap naman si Saquilayan kay Brillantes na agad aksyunan ang kanyang “motion for execution” na isinampa sa Comelec noong Agosto 17, upang tahimik at maayos siyang makabalik bilang alkalde ng Imus.