Divers na kumuha sa bangkay ni Robredo bumisita sa burol
MANILA, Philippines - Bumisita kahapon sa burol ang mga technical divers at opisyal ng search and retrieval units ng AFP na nagtulung-tulong upang makita at maiahon ang bangkay ng nasawi sa plane crash na si DILG Secretary Jesse Robredo upang magbigay pugay sa ‘state funeral’ ng opisyal sa Malacañang.
Ang grupo ay pinamumunuan ni Task Force Kalihim Chief Major Gen. Eduardo del Rosario at Navy Capt. Rommel Galang, pinuno ng Naval Forces Southern Luzon.
Kabilang sa mga ito sina Navy technical divers Petty Officers 2 Roger Brizuela at Edgar Vergara na siyang nag-ahon sa bangkay ni Robredo noong Agosto 21 sa may 180 talampakang lalim ng karagatan, may 800 metro ang layo sa dalampasigan ng Masbate City na binagsakan ng Piper Seneca plane.
Bagaman malaki ang naitulong ng mga sonar equipment ng Estados Unidos at ng British volunteer technical divers sa pangunguna ni Matt Reed, ay sina Brizuela at Vergara ang nagtulong upang maiahon ang labi ni Robredo sa wreckage ng eroplano. Bago ng mga ito kinuha sa wreckage si Robredo ay sumaludo muna sina Brizuela at Vergara sa kalihim.
Sa kanilang pagtungo sa Malacañang, sinabi ni Brizuela na muli nilang sinaluduhan ang labi ni Robredo na bagaman hindi naman nila boss ay kanilang hinahangaan sa mahusay nitong serbisyo publiko.
Noong Agosto 21 ay idineklara ni Pangulong Aquino ang ‘National Day of Mourning” matapos marekober ang labi ni Robredo. Magkasunod namang nakuha ang bangkay nina Capt. Jessup Bahinting at co-pilot na si Kshitiz Chand.
- Latest
- Trending