MANILA, Philippines - Hinamon ng isang grupo ng mga militanteng kabataan ang bagong talagang si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maging pro-people sa kanyang pag-upo sa pwesto.
Sinabi ni Anakbayan National Capital Region, secretary-general Dianne Marie Solmayor na dapat panindigan ni Sereno ang kanyang pahayag na hindi siya gaya ng iba na binabaluktot ang batas.
Pinaalalahanan ni Solmayor si Sereno na siya ay may utang na loob lamang sa taong bayan at hindi kaninuman.
Dapat din umanong patunayan ni Sereno na ang hukuman sa ilalim ng kanyang pamumuno ay hindi magiging “Aquino Supreme Court” hindi gaya nuong pamumuno ni dating Chief Justice Renato Corona na ang korte ay naging “Arroyo Supreme Court.”
Sinabi ni Solmayor na patuloy nilang babantayan ang mga kaso na may kinalaman sa mga manggagawa, magsasaka at mahihirap partikular na ang kaso ng Hacienda Luisita na magiging isang pagsubok umano kay Sereno.
Pinayuhan pa ng grupo si Sereno na tularan ang pumanaw na si dating DILG Secretary Jesse Robredo sa halip na si Pangulong Aquino sa kanyang pagsisilbi sa taong bayan.
Naniniwala naman si Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Elmer Labog na ang pagkakatalaga kay Sereno ay sa layuning makontrol ng punong ehekutibo ang interes ng kanyang pamilya sa kaso ng Hacienda Luisita.
Si Sereno ang unang appointee ni Aquino sa Korte Suprema at sumulat ng dissenting opinion kaugnay sa desisyon ng pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka.
Dahil dito, maituturing umano na self-serving ang pagtalaga kay Sereno nang sa gayon ay mabaligtad ang desisyon sa Hacienda Luisita at tumaas ang matatanggap na kompensasyon ng pamilya Cojuangco mula sa pamamahagi ng lupain ng Hacienda.
Nababahala rin ang grupo na maging puppet o sunud-sunuran lamang ni Aquino si Sereno kaugnay sa mga polisiya na kontra sa interes ng mga manggagawa.
Bunsod nito, sinabi ni Labog na ngayon ay lumilinaw na ang totoong misyon ni Pangulong Aquino sa pagpapatalsik kay Corona ay hindi para papanagutin si dating Pangulong Gloria Arroyo kundi para mapanatiling kontrolado ng kanyang pamilya ang Hacienda.