MANILA, Philippines - Sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga tinamaan ng sakit na leptospirosis sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha dahil sa Habagat, kahit hindi sila miyembro nito.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, batay sa PhilHealth Circular 39 series of 2012, ang mga non-members na naninirahan sa mga lugar na sinalanta ng mga pagbaha ay awtomatikong pagkakalooban ng benepisyo sa ilalim ng PhilHealth Sponsored Program members/beneficiaries.
Ang non-members naman na wala pang 21 taong gulang at kahit isa man lang sa magulang ay miyembro ng PhilHealth ay awtomatikong sakop na rin nito.
Nangangahulugan ito na hindi na sila pagbabayarin pa ng premiums at ikokonsidera nang miyembro ng PhilHealth mula Agosto 1, 2012 hanggang Hulyo 31, 2013 na may number card.
Aplikable ito sa lahat ng admission simula Agosto 7 hanggang katapusan ng buwang ito.
Ang case rate na P11,000 ay babayaran para sa moderate leptospirosis na maa-admit sa mga pagamutan simula Agosto 7, habang ang malala o severe leptospirosis ay maaring mag-reimburse ng fee para sa serbisyo.
Sa latest data ng DOH-National Epidemiology Center, kabuuang 2,471 leptospirosis cases ang naiulat sa buong bansa mula Enero 1-Agosto 18 ng taong ito, kung saan 121 ang nasawi. Mas mataas ito kumpara sa 1,522 kaso sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Karamihan ay mula Region 10 o Northern Mindanao (38.8%), Region 6 o Western Visayas (18.7%) at National Capital Region (7.8%).