Iba't ibang pagsaludo iginawad kay Robredo
MANILA, Philippines - Iba’t ibang uri ng pagsaludo ang ibinigay sa pagdaan ng funeral convoy ng yumaong si DILG Secretary Jesse Robredo ng mga nag-antabay sa daan na mga estudyante, pulis at mga kawani sa mga dinaanang ahensiya at business establishment sa Maynila.
Mula sa Villamor Airbase, tinahak ng funeral convoy ang NAIA Road-Roxas Boulevard-Padre Burgos St.-Finance Road-Ayala Boulevard-Ayala Bridge-Solano St. papasok ng palasyo ng Malakanyang para sa state funeral.
Sa Padre Burgos ay nakaposisyon na ang limang mobile patrol unit ng Manila Police District habang sa kahabaan naman ng Roxas Boulevard ay nagtipon ang mga trak ng bumbero.
Napansin ang kaniya-kaniyang estilo ng pagsalubong sa kalihim gaya ng sabay-sabay na pagwangwang at pagsaludo ng mga tauhan ng Manila Police Taffic Bureau, Highway Patrol Group at mga grupo ng bumbero na nagsagawa ng water salute.
Nagsidungaw naman sa mga bintana ng kanilang mga tanggapan ang mga kawani mula sa pribado at pampublikong tanggapan sa pagdaan ng convoy ng kalihim.
Pagdating naman ng naturang convoy sa kahabaan ng Finance Road patungo sa Malacañang ay iwinagayway ng daan-daang estudyante mula sa PLM, TUP at PNU ang mga kulay yellow green na bandila habang nakasaludo ang mga miyembro ng MPD.
Tatlong helicopter din ang paikut-ikot sa himpapawid na nagbubuhos ng kulay dilaw na confetti hanggang sa tuluyan nang makapasok sa Palasyo ang funeral convoy.
Mananatili ang labi ni Robredo sa Kalayaan Hall hanggang sa Linggo ng umaga bago ito dadalhin sa Naga City Hall.
Dumating ang labi sa Malacañang bandang alas-11:40 ng umaga kung saan ay sinalubong ito mismo ni Pangulong Aquino at binigyan ng full military honors sa pamamagitan ng 19-gun salute.
Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ngayon ay bukas sa publiko ang Malacañang sa mga nais makiramay sa yumaong kalihim ng DILG.
Nakatakdang ilibing naman si Sec. Robredo sa Naga City sa darating na Martes matapos itong bigyan ng state funeral.
- Latest
- Trending