Bangkay ng Nepalese pilot narekober na
MANILA, Philippines - Narekober na rin kahapon ng umaga ang bangkay ng isa pang piloto na kasamang nasawi ni DILG Secretary Jesse Robredo matapos itong madaanan ng isang bangkang pangisda habang lumulutang sa karagatan ng Ticao Island, San Jacinto, Masbate.
Ayon kay Major Gen. Eduardo del Rosario, Chief ng Task Force Kalihim, ang Nepalese co-pilot na si Kshitiz Chand, 22, ay naispatan ng bangkang M/B Cooperative habang patungo sa Masbate City dakong alas-7:45 ng umaga.
Agad dinala ng mga mangingisda ang bangkay ni Chand sa BRP Hilario Ruiz (PG 378) ng Philippine Navy na positibo namang kinilala ng kanyang ama at kapatid na nagtungo sa Masbate.
Dahil dito, ayon kay Defense Sec. Voltaire Gazmin ay tapos na ang misyon ng Task Force Kalihim matapos na maiahon na rin ang wreckage ng bumagsak na eroplano.Pinasalamatan din ni Gazmin ang mga composite elements ng rescue team na aabot sa 400 kabilang ang mga dayuhang volunteer diver na dumagsa sa lugar.
- Latest
- Trending