Robredo ibuburol sa M'cañang
MANILA, Philippines - Ibuburol bukas sa Palasyo ang mga labi ni DILG Sec. Jesse Robredo.
Sinabi ni Communications Group Usec. Manolo Quezon na hindi pa mabatid kung open sa public viewing ang burol sa Biyernes na tatagal hanggang Sabado.
Nais ipagkaloob ni Pangulong Aquino ang pinaka-mataas na pagkilala sa namayapang DILG chief kaya isang state funeral ang ibibigay dito.
Aniya, ang tanging ipinagkaiba nito sa heroes burial ay ang ‘gun salute’ pero ang PSG guards ang magbabantay sa labi ni Sec. Robredo habang ito ay nakaburol sa Palasyo.
Hindi pa matiyak kung sa “Heroes Hall” ng Malacañang ilalagak ang labi dahil ang huling ibinurol umano sa Rizal hall ay si yumaong Pangulong Diosdado Macapagal.
Ibabalik naman sa Linggo ang labi ng kalihim sa Naga City Hall para sa huling sulyap ng kanyang mga kababayan.
Samantala, nagsimula na ang public viewing para sa burol ni Robredo sa Archbishop Palace sa Naga City hanggang Biyernes.
Tinanggap ng pamilya Robredo ang ipagkakaloob na ‘full military honors’ sa DILG chief.
- Latest
- Trending