Sambayanan nagluksa, mga bandila naka-half mast
MANILA, Philippines - Sa Camp Crame, iniutos ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pagha-half mast ng bandila sa lahat ng himpilan ng pulisya bilang respeto at pagluluksa sa sinapit ng kalihim at ng dalawa pang pilotong nasawi rin sa trahedya.
Inutos din ni Manila Mayor Alfredo Lim ang paglalagay sa half mast ng mga watawat ng Pilipinas sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno, mga paaralan at maging sa mga himpilan ng pulisya sa Lungsod ng Maynila. Tatagal ng isang linggo ang pagha-half mast ng mga bandila. Malaki aniyang kawalan hindi lamang sa DILG, kundi sa buong bansa, si Secretary Robredo na kilalang masipag at dedicated sa kanyang trabaho.
Ayon naman kay Defense Sec. Voltaire Gazmin, isang malaking kawalan sa administrasyon ang pagpanaw ni Robredo na ipinagluluksa hindi lamang ng gabinete kundi ng buong bansa dahil isa itong mabuting public servant.
Ipinagluluksa rin ng buong hukbo ng Philippine Army ang pagpanaw ng isang may integridad na opisyal ng gobyerno sa katauhan ni Robredo.
Maging ang pamahalaang Amerika sa pamamagitan ni US Ambassador to Manila Harry Thomas ay nagpaabot din ng pakikiramay sa gobyerno, pamilya at mga kaibigan ni Robredo sa pagpanaw nito.
Isang Ramon Magsaysay awardee for governance si Robredo dahil sa mabuting pamumuno nito sa Naga City bilang alkalde noon.
Si Robredo, 54 anyos, ay itinalaga ni PNoy noong Hulyo 2012 bilang Kalihim ng DILG.
Si Robredo rin ang isa sa mga nagtatag ng Kaya Natin Movement na binubuo ng mga lokal na opisyal at grupo na nagsusulong ng maayos at tapat na pamamalakad sa gobyerno. (May ulat nina Doris Borja, Ludy Bermudo at Ellen Ferando)
- Latest
- Trending