Pamilya ni Robredo umaasang buhay pa ang kalihim
Manila, Philippines - Umaasa ang pamilya nang nawawalang si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na buhay pa ang kalihim na posibleng nakalabas at nakalangoy lamang umano patungo sa isang isla bago tuluyang bumagsak sa malalim na bahagi ng karagatan ang eroplanong sinasakyan nito sa Masbate City noong Sabado.
Sinabi ni Jun Labadia, tagapagsalita ng pamilya Robredo, nabuhayan ng pag-asa ang pamilya ng kalihim base sa pahayag nang nakaligtas nitong aide de camp na si Sr. Inspector June Paulo Abrazado na wala na sa kanyang upuan ang kanyang boss nang balikan siya ng ulirat at magsimula ng pumasok ang tubig sa bumagsak na Piper Seneca plane.
Sa isang television interview naman sa anak na babae ng kalihim na si Aika, pinasalamatan nito si Pangulong Benigno Aquino III sa puspusang search operations ng pamahalaan para mahanap ang kanyang ama at ang dalawang pilotong kasama nito.
Sa pahayag naman ng kapatid ni Robredo na si Butch, sinabi nito na walang mahalaga sa kanilang pamilya kundi maibalik lamang ang katawan ng kalihim.
Samantala, sinabi naman ni Col. Felix Castro, Commander ng Army’s 903rd Brigade at Operations Chief ng Task Force Kalihim na aabot sa 400 ang nagsasagawa ng search mission kina Robredo at dalawang piloto.
- Latest
- Trending