Manila, Philippines - Tuluyan ng naging ganap na bagyo ang binabantayang active low pressure area (LPA) na namataan sa Aparri, Cagayan.
Ayon kay Aldczar Aurelio, PAGASA weather forecaster, alas-10 ng umaga nang maging ganap na bagyo ang nasabing LPA na tinawag na Bagyong Igme.
Dahil dito, itinaas na sa public storm warning signal no. 1 ang Isabela at Cagayan.
Base sa weather advisory ng kagawaran, huling namataan si Igme sa layong 280 kilometro sa silangan timog-silangan ng Aparri, Cagayan at tinatahak ang direksyong pa-kanluran.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna.
Inaasahang mapapalakas ng bagyong Igme ang Habagat, na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa Luzon at Kanlurang Visayas.
Asahan din na magdadala ng aabot sa 5-15 milimeter per hour na dami ng ulan ang nasabing bagyo.
Nag-isyu na rin ang PAGASA ng gale warning para sa mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot dahil sa malakas na alon.
Gayundin, sa mga mababang lugar at gilid ng bundok na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.