Manila, Philippines - Sa kabila ng mga pagbaha na nakaapekto sa ilang palayan sa bansa dulot ng bagyo at patuloy na pag-ulan sanhi ng hanging habagat, iginiit ng Department of Agriculture na makakamtan pa rin ang pagiging ‘rice sufficient’ ng bansa sa susunod na taon.
Sinabi ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Antonio Nangel, base sa kanilang monitoring aabot sa 36,000 ektarya ng lupain o palayan ang nasira ng baha sa bansa.
Pero dagdag ni Nangel, meron pang dalawang harvest season kaya naman abot kamay pa rin ang target na rice sufficiency sa susunod na taon kasabay ng pahayag na ipinapanalangin nila na wala ng gaanong malakas na bagyong papasok sa bansa.
Mahigit P400 milyon ang tinatayang nasira sa irrigation system ng bansa pero agad na raw kumilos ang gobyerno para solusyunan ito.
Ang DA naman sa ilalim ni Kalihim Proceso Alcala ay namimigay din ng mga libreng binhi para sa mga magsasaka upang agad makabawi sa kanilang binahang sakahan. Ang mga apektadong magsasaka ay maaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng DA sa kanilang probinsiya.