Manila, Philippines - Kukuwestiyunin ng Commission on Elections (Comelec) ang ginawang pagpapalaya ng Pasay City Regional Trial Court Branch 112 kay dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. na nahaharap sa kasong electoral sabotage.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. nais nilang malaman kung bakit ganon ang naging resolusyon ni Judge Jesus Mupas, ang hukom na humahawak sa kaso laban sa kampo ng matandang Abalos.
Pinulong na ni Brillantes ang kanilang legal group upang ihanda ang motion for reconsideration na ihahain sa Pasay court anumang araw ngayong linggo.
Duda si Brillantes kung paano agad nadesisyunan ni Judge Mupas ang petition for bail ni Abalos sa napakaikling panahon.
Base sa ruling ni Judge Mupas, pinaboran ang application for bail ni Abalos dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya, dagdag pa ang edad ng dating Comelec chief na 77 at kalusugan nito.
Si Abalos ay isa sa kapwa akusado ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa kasong electoral sabotage.
Una na ring pinayagan ni Mupas si Arroyo na makapagpiyansa dahil sa sinasabing nabigo ang prosekusyon na makapagharap ng sapat na testigo na magdidiin sa kaso ng pananabotahe sa halalan laban sa dating Punong Ehekutibo at kanyang mga opisyal.