MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon kay Pangulong Benigno C. Aquino III ang mga oposisyong mambabatas na payagang makapagpagamot sa ibang bansa ang dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Arroyo.
“Dapat pahintulutan siya ng Pangulo at ng mga korte na makapagpagamot sa ibayong-dagat. Isa itong usapin sa kanyang kalusugan,” sabi ni Minority Leader Danilo Suarez.
Si Gng. Arroyo ang titular head ng bloke ng oposisyon sa House. Kasalukuyan siyang may mga kaso sa Pasay City Regional Trial Court at Sandiganbayan bagaman pinayagan siya ng korte ng Pasay na makapagpiyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.
Sinabi pa ni Suarez na, sa Miyerkules, maghahain siya ng panukalang resolusyon na hihiling sa House na ipanawagan ang pagpapahintulot na makapagpagamot ang dating presidente sa ibang bansa.
Pero iginiit kahapon ng Malacañang na dapat beripikahin ng independiyenteng mga manggagamot ang kundisyon ng kalusugan ni Gng. Arroyo.
Noong Biyernes, iginiit ng duktor ni Arroyo na si Roberto Anastacio na dapat magpagamot ang una sa ibang bansa dahil sa banta rito ng progressive obstruction ng titanium plate na sumusuporta sa kanyang cervical spine. Kapag nawala anya sa lugar ang titanium plate, magiging banta ito sa paglunok at paghinga ng dating Pangulo.