Maguindanao massacre muling gugunitain
MANILA, Philippines - May 1,000 araw na ngayon ang nakakaraan nang maganap ang Maguindanao massacre na ikinamatay ng 58 sibilyan na kinabibilangan ng 32 lokal na journalist. May kagagawan ang mahigit 200 armadong tao na pinaniniwalaang tauhan ng kilabot na warlord sa bayan ng Ampatuan doon.
Gayunman, 76 na suspek pa lang ang nakakasuhan kabilang ang nakakulong nang mag-amang Andal Ampatuan Sr. at Andal Jr.
Nabatid na magtitipun-tipon ngayon sa iba’t-ibang lugar sa Mindanao at Metro Manila ang mga pamilya ng mga biktima, testigo at mga mamamahayag para gunitain ang masaker.
Tiniyak naman kahapon ng Malacanang na pinatututukan pa rin nito ang kaso ng Maguindanao massacre na nangyari noong Nobyembre 2009 pero wala pa ring napaparusahan.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, patuloy namang nakikinig ang Executive branch sa hinaing ng pamilya ng mga naging biktima ng Maguindanao massacre.
Ayon kay Valte, patuloy pa rin ang ginagawang pag-aalok ng Malacanang ng seguridad sa pamilya ng mga biktima kung kinakailangan nila ito.
Sinabi ni Valte na nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga prosecutors na iwasan ang pag-delay sa kaso lalo na ang mga dilatory tactics sa panig ng mga abogado ng mga akusado.
Noong Nobyembre 23, 2009, isang convoy ng mga sasakyan na kinalululanan ng 58 sibilyan (32 sa kanila ay mga mamamahayag) at ng mga miyembro ng pamilya ng noo’y si Buluan Vice Mayor at Maguindanao Governor Ismael Mangudadatu ang hinarap ng mga armadong tao sa highway ng Ampatuan.
Ang mga biktima ay dinala sa liblib na Sitio Masalay, Barangay Salman at doon sila pinagpapatay. Inilibing ang kanilang mga bangkay sa isang mass grave gamit ang back hoe. (Jaime Laude at Malou Escudero)
- Latest
- Trending